Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Sunday Mass Begins
IKA-32 Linggo sa KARANIWANG PANAHON (B) November 10, 2024
32ND SUNDAY in Ordinary Time
Sunday Mass Online
UNANG PAGBASA
1 Hari 17, 10-16
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, si propeta Elias ay pumunta sa Sarepta, at nang papasok na siya ng pintuan ng lungsod, nakita niya ang balo na namumulot na panggatong. Sinabi niya sa babae: “Maaari po bang makiinom?” Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin: “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kaunting pagkain.”
Sumagot ang babae: “Alam po ng Panginoon na iyong Diyos na wala na kaming tinapay. Mayroon po kaming harina at kapatak na langis. Namumulot nga ako ng maigatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.”
Sinabi sa kanya ni Elias: “Huwag kang mag-alala. Humayo ka at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang munting tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, Diyos ng Israel:
“Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan
at hindi rin matutuyo yaong langis sa tapayan
hanggang hindi sumasapit ang talagang takdang araw
na ang ula’y marapating papatakin ng Maykapal.”
Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at sila’y kumain – si Elias at silang mag-ina. At hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng pangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.
Ang maaasahang lagi’y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya’y nililingap.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila’y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo’t ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Walang hanggang Hari,
ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 9, 24-28
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Pumasok si Kristo, hindi sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay, kundi sa langit. At ngayo’y nasa harapan siya ng Diyos at namamagitan para sa atin. Ang dakilang saserdote ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon, may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit minsan lamang pumasok si Kristo upang ihandog ang kanyang sarili, at iyo’y sapat na. Kung di gayon, kailangan sanang siya’y paulit-ulit na mamatay mula pa nang matatag ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siya napakita, ngayong magtatapos na ang mga panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng haing kanyang inihandog. Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. Gayun din naman, si Kristo’y minsang inihandog bilang hain upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya’y muling darating, hindi upang ihandog na muli dahil sa kasalanan kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 12, 38-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang pagtuturo. “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na mahilig maglalakad nang may mahabang kasuutan at natutuwang pagpugayan sa mga liwasan. Ang ibig nila’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang mga upuang pandangal sa mga piging. Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkala’y ang pagdarasal nang mahaba! Lalo pang bibigat ang parusa sa kanila!”
Umupo si Hesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob doon sa templo, at pinagmasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. Lumapit naman ang isang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing na katumbas ng isang pera. Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at kanyang sinabi, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
#onlinemass #livestreammass #padrepiomass
Roman Catholic Archdiocese of Lipa (RCAL)
Parish and National Shrine of Saint Padre Pio - Batangas
Ещё видео!