Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Today Begin
Martes ng Ika-14 na Linggo sa KARANIWANG PANAHON. July 9, 2024
UNANG PAGBASA
Oseas 8, 4-7. 11-13
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Humirang sila ng mga hari sa Israel ngunit hindi sa pamamagitan ko. Naglagay sila ng mga pinuno, ngunit di ayon sa aking kagustuhan. Ang kanilang mga alahas na ginto at pilak ay ginawa nilang mga diyus-diyusan, at ito ang kanilang sinamba. Itinatakwil ko ang guyang ginto ninyo, mga taga-Samaria. Nagpupuyos ang galit ko sa kanila. Kailan pa sila dapat parusahan? Ang diyus-diyusang iyan ay ginawa ng tao; hindi iyan Diyos. Kaya’t ang guya ng Samaria ay magkakadurug-durog.
Hangin ang kanilang inihasik at ipu-ipo ang aanihin nila.
Ang nakatayong mga trigo’y walang uhay,
kaya’t walang makukuhang harina.
“At kung magbunga man, iyon ay lalamunin lamang ng mga dayuhan.
Dahil sa pagpaparami ng mga dambana, naging daan iyon para dumami ang kasalanan ng Efraim. Sumulat man ako ng sampunlibong kautusan, ito’y pagtatawanan lamang nila. Mahilig silang maghandog; naghahain sila ng karne at kinakain nila ito. Ngunit hindi nalulugod sa kanila ang Panginoon. Gugunitain niya ang kanilang kalikuan, at parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan; sila’y magbabalik sa Egipto.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 113 B, 3-4. 5-6. 7ab-8. 9-10
Israel na bayan ng D’yos,
papurihan mo s’yang lubos.
o kaya: Aleluya.
Ang Diyos nami’y nasa langit, naroon ang Diyos namin,
at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
Ginawa sa ginto’t pilak ang kanilang mga diyos,
sa kanila’y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
Israel na bayan ng D’yos,
papurihan mo s’yang lubos.
Totoo nga at may bibig, ngunit hindi magsalita,
at hindi rin makakita, mga matang sadyang-sadya;
at hindi rin makarinig ang kanilang mga tainga,
ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
Israel na bayan ng D’yos,
papurihan mo s’yang lubos.
Totoo nga na mayroong kamay ngunit walang pakiramdam,
mga paa’y mayroon din ngunit hindi maihakbang.
Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
sana ay makatulad din ng gayong diyos na gumawa.
Israel na bayan ng D’yos,
papurihan mo s’yang lubos.
Ikaw, bayan ng Israel, magtiwala sa Panginoon,
siya ang iyong sanggalang, laging handa na tumulong.
Kayong mga saserdote sa Diyos ay magtiwala,
kayo’y kanyang iingata’t ilalayo sa masama.
Israel na bayan ng D’yos,
papurihan mo s’yang lubos.
ALELUYA
Juan 10, 14
Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 32-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, dinala kay Hesus ang isang piping inaalihan ng demonyo. Pinalayas ni Hesus ang demonyo at nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao, at sinabi nila, “Kailanma’y walang nakitang katulad nito sa Israel!” Datapwat sinabi ng mga Pariseo, “Ang prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.”
Nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
#onlinemass #livestreammass #padrepiomass
Roman Catholic Archdiocese of Lipa (RCAL)
Parish and National Shrine of Saint Padre Pio - Batangas
Ещё видео!